Quantcast
Channel: Special Features Archives | Bandera
Viewing all 28 articles
Browse latest View live

Bibingkoy, gulaman sa gata, bacalao at iba pang mga alaala ng Kuwaresma

$
0
0


Ibinabalik ako tuwina ng Semana Santa sa aking kabataan. Noong panahon na guni-guni pa lamang ang Facebook, Twitter at
cable TV, ang Kuwaresma ay isang mahabang paglalamay, pag-aayuno, at pagbabasa ng Pasyong Mahal.

At kung talagang magpakabait kami, ang gantimpala ay meryendang bibingkoy, isang uri ng bibingka na may minatamis na monggo sa loob at nalulunod sa sabaw ng ginataan na may langka, sago, at bilobilo.

Sa umaga ng Biyernes Santo ay dinadala kami ng aking ama sa aking tiyahin sa Bagong Pook upang manood ng mga nagpepenetensya, kung saan may 20 kalalakihang nakapila na walang suot na pang-itaas, nakaitim na pantalon, nakabalot ng itim na tela ang mga mukha at hinahaplit ang kanilang sarili ng mga tungkos ng patpat na nakatali sa lubid at naglalakad na duguan ang likuran.

Samantala ang aking tiyahin naman ay namamahagi ng “pa-caridad” o pampalamig para sa mga nagpepenetensya na karaniwan ay sago at gulaman na may arnibal na gawa sa panocha, o di kaya ay gulaman at chinchao na may gata na hinaluan ng pinipig.

Pagsapit ng tanghalian, malugod naming inaabangan ang bacalao ni Mama, ang pinakamasarap naming alaala ng Kuwaresma.
Nabibili ang bacalao sa Binondo na inangkat pa mula sa Viscaya, Espanya.

Kilala ito sa Ingles bilang dried salted cod. (Nakalulungkot lamang dahil sa kasalukuyang ekonomiya ay bihira na ang may kayang bumili nito dahil umaabot na halos sa P1,000 kada kilo.

Sa kamahalan nito ay hindi yata ito ang wastong pagkain kapag nag-aayuno at nagpepenitensiya. Ngayon, sa halip na bacalao, daing na labahita na lamang ang ginagamit para mairaos ang kinagisnang pagkain.)

Sa Linggo ng Pagkabuhay, ipinapalaman namin ito sa mainit na pandesal at inaalmusal pagkagaling sa Salubong.
Nagmula sa mga Basco, sa probinsiya ng Viscaya sa Espanya ang pagluluto ng bacalao.

Hindi naiiba ang ginagawang pagluluto nito sa Cavite. Naiiba lamang ang paggamit ng mga Basco ng pinatuyong sili na ang tawag ay guindilla.

Maaninag din sa bacalao ang impluwensiya ng pagluluto ng mga Mehikano sa mga Caviteño, dahil sa paggamit ng mga sangkap tulad ng patatas, garbanzos, kamatis, at pimiento.

Ang bacalao ay ibinababad sa tubig ng mahigit sa 24-36 na oras at pinapalitan ang ito kada-8 oras, upang maalis ang alat. Dahan-dahang niluluto ito sa mahinang apoy gamit ang olive oil.

Iniikot nang marahan ang asador hanggang ang mantika nito ay mag-ulap na parang malabnaw na mayonnaise.
Hinahango ito at inililipat sa isang bandehado upang makapagpahinga.

Sa parehong asador, ginigisa ang bawang, sibuyas, kamatis, pimiento, siling labuyo, dahon ng laurel, garbanzos, at kung mayroon, olives.

Sa paglambot ng garbanzos, hinihinaan ang apoy at isinasalin ang nilutong bacalao. Hinahayaang maghalohalo ang lasap at linamnam nito sa mahinang apoy.

Inihahanda ito na may kasamang bagong saing na kanin. Lalong masarap kung may burong mangga o, di kaya, ay ginadgad na hilaw na mangga na ibinabad sa tubig na may asin o patis at kaunting asukal.

Sa mga nakalipas na panahon, sumibol ang iba’t ibang bersiyon ng putaheng ito. Nariyan na ang paggamit ng repolyo bilang pampadami. Ngunit, nagiging matubig ito pagkatapos lamang ng ilang araw at madali pang mapanis.

Ang ilang pagbabago tulad ng paggamit ng tomato sauce ay natuklasan din. At kung wala nito, ginagamitan ng atsuwete upang magkulay-pula ang salsa.

Ang paggawa ng bacalao ng mga Caviteño ay bunga ng tagni-tagning lasap, samyo, at kultura na nagmula pa sa malalayong karagatan.

Walang sinuman ang nagmamay-ari o nagtataglay ng orihinal na recipe nito, dahil sa pag-aakma ng sangkap na maaaring gamitin at pagbabagong-anyo ng panlasa at ekonomiya.

Ang pagbabago ay hindi maiiwasan. Ngunit ito ang tiyak, ang bacalao ng mga Caviteño ay ganoon dahil itinadhana ito ng mga Basco, Hokkien, Mehikano, at kapwa Caviteño.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan, edad at lugar.   Salamat po.

ABISO
MALUGOD kayong inaayayahan ng Cofradia de la Soledad de Porta Vaga sa isang natatanging tradisyon ng mga Caviteño, ang Procesion del Silencio, kung saan ang mga mananampalataya ay tahimik at taimtim na nagdarasal, nakayapak at nakasuot ng kulay itim.

Samahan natin ang Nuestra Señora de la Soldead de Porta Vaga, ang Reina ng Cavite sa darating na Biyernes Santo, Abril 18, 2014. Magsisimula ang prusisyon sa ganap na ika-7 ng gabi, sa simbahan San Roque, Cavite City.

RECIPE
Bacalao de Familia Ramos, Ciudad de Cavite
For the bacalao
2 kg. bacalao (salted cod) or substitute dried labahita
4 cloves of garlic, chopped
20 ml. virgin olive oil
Cold water, for desalination
For the salsa
50 ml. olive oil
1 head of garlic, chopped
3 bay leaves
3 big onions, sliced crosswise
6 bell peppers, cut into strips
6 chili peppers (siling labuyo)
150 grams garbanzos, precooked and membrane removed
4 potatoes, cubed then fried
50 to 70 g. pitted olives
250 ml. tomato sauce
Salt to taste
Pepper to taste

Procedure
1. Wash, debone, and cut the bacalao into 7- to 10-centimeter-long pieces. In a container, soak the bacalao in cold water to desalinate for 24 to 36 hours, changing the water every 8 hours. Keep in the refrigerator until ready. Drain the bacalao and carefully pat dry with paper napkin or kitchen towel.

2. In a flat 15-inch earthenware pan, saute the 4 cloves of garlic in olive oil over medium heat, making sure the garlic doesn’t burn. Place the bacalao (skin up) in the pan and cook for 5 minutes. Turn over the bacalao (skin down) and cook for another 5 minutes. Lower the heat. lift the pan about 10 cm. away from the heat, and with both hands, gently nudge in a circular motion for the next 20 minutes until the oil becomes emulsified and attains a cloudy yellow color. Transfer to a plate to cool.

3. In the same pan, heat the 50 ml. olive oil and saute the chopped head of garlic, bay leaves, onions, bell peppers, chili peppers. Once the onion becomes transparent and the garlic turns brown, add the precooked garbanzos, potatoes, the olives and the tomato sauce. Simmer for another 10 to 15 minutes over low heat. Once the flavors have blended, return the cooked bacalao into the pan and gently mix with a wooden spoon.

Continue to simmer for about 20 minutes. (The dish is best served the next day with steaming white rice and freshly-grated green mango in salted brine or burong mangga.)
N.B. Daing na labahita or any dried oily fish can be used in lieu of bacalao. A week-old bacalao reeking of sebo from the fridge is best served in pan de sal on lonely summer nights. With a fork, maserate the week-old bacalao, drizzle with balsamic vinegar, stuff in big, fat pan de sal, and pop in the toaster oven. Nice if you can include quesilio too, obtained from the Cavite City public market before 7 a.m.

 

The post Bibingkoy, gulaman sa gata, bacalao at iba pang mga alaala ng Kuwaresma appeared first on Bandera.


Hamon ng Bulakan, Pamanang Kaluto ni Ka Mila Enriquez

$
0
0


Alam ba ninyo na sa Bulacan ay may biskwit na sinasangkapan ng dahon at tinatawag na gorgorya, ang kanilang hamon ay pinaplantsa at ang kanilang empanada ay may kaliskis?

Ilan lamang iyan sa mga natatanging lutuin na alay ng bayan ng Bulacan na aming natuklasan nang kami ay nagliwaliw kasama ang pamunuan, mga kasapi at kaibigan ng Culinary Historians of the Philippines (CHOP).

Ito ang pangatlong food tour na inorganisa ng CHOP sa taong ito. Ayon kay Regee Tolentino Newport, layunin ng CHOP ang tuklasin, pahalagahan, isulong at pagyamanin ang lutuing Pilipino.

Nagtipun-tipon ang mga eskursyonista sa hardin ng likod-bahay ng Enriquez ancestral home at kami ay malugod na tinanggap ni Rheeza Hernandez na isa ring miyembro ng CHOP.

Kanyang ipinaliwanag na kami ay nasa bayan ng Bulacan, Bulacan, ang dating kapitolyo ng lalawigan ng  Bulacan. Bago magsimula ang food tour, kami muna ay inalayan ng isang tradisyonal na pagbati ng maligayang pagdating.

Ang makatang si Jeremy Lord Bancil ay nagbigkas ng matatamis na salita. May putongan din na naganap, kung saan binigyan niya ng papuri ang magagandang dilag.

Hamon ng Bulakan
Matapos ang putongan ay ipinamalas sa amin ni Rheeza ang paggawa ng Hamon ng Bulacan, na ginamitan ng liempo at inasnan ng asin na bastos o ang klase na magaspang at hindi pino.

Kagila-gilalas nang pinaso ni Rheeza ng nagbabagang aserong siyanse ang hamon na binudburan ng asukal. Sumilab ang pinaghalong init, asukal at taba ng baboy.

At parang alkemiya at salamangka, naging karamelisado ang asukal at naging pangalawang balat ng hamon. Pagkatapos ay ipinalaman namin ang hamon sa tinapay na ang tawag ay Bonete dahil ang hugis nito ay sumbrero ng kusinero.

Kilala rin ito sa pangalan na Bowling. Malinamnam na may pinaghalong tamis at alat ang hamon. Hindi ito tuyo, may halumigmig at naaaninag ang lasa ng pinya at serbesa.

Habang kami ay kumakain ng hamon at bonete, nagkwento naman si Roly Marcelino tungkol sa iba’t ibang aspeto ng pagkain at kasaysayan ng Bulacan.

Kanyang pinaliwanag ang iba’t-ibang impluwensya ng lutuin, mula sa kaparian at kumbento hanggang sa mga mararangyang tahanan na may kusinero de campanilla.

Si Roly ay aktibo sa mga programang pang-sining at kultural sa mga bayan ng Bulacan at Malolos.

Bahay na luma
Pagkatapos ng aming merienda, kami ay ipinasyal ni Konsi Boyet Enriquez sa kanilang ancestral home. Kapansin-pansin ang silong ng tahanan na maraming kagamitan na pang-teatro. Ito pala ay talagang ginagamit nila bilang venue sa kanilang mga palabas.

Katunayan,  ang tahanang ito ang headquarters ng VSE Productions na pinamumunuan ni Vicente “Bong” Enriquez, ang pangulo ng Women of Malolos Foundation.

Kamakailan ay nagpalabas ang grupo ng mga orihinal na historical musical plays at sa kakatapos lamang na Kuwaresma ay nagtanghal sila ng senakulo, na taun-taon na nilang panata mula pa noong 2004.

Kahit luma na ang bahay, nagtataglay pa rin ito ng buhay at sigla dahil sa mga gawain na pumamalibot dito. Maaari mo itong tawaging dambana ng sining o templo ng pamanang pagkain ni Milagros Enriquez dahil dito rin ginagawa ang “Pamana ni Ka Mila,” mga iba’t ibang produkto na gawa sa sasa, tulad ng suka, tuba at nipa palm syrup.

Hindi rito magwawakas ang kwento ng Kaluto ni Ka Mila Enriquez. Abangan ang iba pang mga kwento sa isang linggo.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at
lugar. Salamat po.

HAMON NG BULAKAN
(Hango mula sa aklat na “Kasaysayan ng Kaluto ng Bayan” ni Milagros S. Enriquez)
ANG kalutong ito ay paborito ng mga taga-ilog sapagkat ito ay imbak na pagkain.
Noong unang panahon ay salitre lamang ang gamit sa pang-imbak sapagkat wala pang refrigerator. Inasnan kung tawagin ang kalutong ito ng mga unang kusinero.
Ang ginagamit ay liempo ng baboy sapagkat madaling tablan ng asin at salitre.
Naging paborito ito ng mga prayle dahil kailangan na may nakahanda silang pagkain para sa mga panauhin sa kumbento, lalo na iyong mga buhat pa sa malayong lugar.
Maaaring gamitin ang manok sa kalutong ito kung nais.
Mga Sangkap
1 kilong liempo ng baboy
Panimpla
4 kutsarang asukal
2 kutsarang asin pino
1 kutsaritang prague powder
Pagpapakuluan
2 tasang katas ng pinya
2 kutsarang asukal
1 tasang serbesa o 1/4 tasang alak
Pangaahin
2 tasang asukal
Maghanda ng mainit na aserong siyanse
Pamamaraan
Alisin ang balat at buto ng liempo at linising mabuti. Tusuk-tusukin ang liempo at ihalo ang mga panimplang sangkap. Ipasok sa palamigan sa loob ng tatlong araw. Bago lutuin, hugasang mabuti. Ilagay sa pagpapakuluan, isalang sa mahinang apoy hanggang ang sarsa ay lumapot.
Hanguin mula sa sarsa, punasan at patuyuin. Maaari na itong iimbak muli sa palamigan.
Bago ito ihain, budburan ito ng puting asukal at saka plantsahin gamit ang nagbabagang siyanse upang mabalot ang hamon sa karamelisadong asukal.

The post Hamon ng Bulakan, Pamanang Kaluto ni Ka Mila Enriquez appeared first on Bandera.

Sangkap sa pagkain nakamamatay!

$
0
0

cooking48
MASARAP kumain, pero dahil sa dami ng ginagawa sa araw-araw, kadalasan ay bumibili na lang tayo ng mga pagkaing madaling lutuin o kaya naman ay mga pagkaing hindi agad nasisira. Tuloy, hindi na natin tinitingnan kung ano ang sangkap ng ating mga binibiling pagkain lalo na sa mga fastfood, groceries at maging sa mga palengke, partikular ang mga de lata at mga processed food.
Hindi lingid sa ating kaalaman na gumagamit ang mga food manufacturers ng mga food additives para tumagal ang shelf life ng mga itinitindang produkto, pero alam n’yo ba na marami sa mga food additives na ito ay delikado sa mga kalusugan at maaa-ring magresulta ng mga sakit?
Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga food additives na inihahalo sa mga pagkain na maaaring magdulot ng masamang epekto sa ating panga-ngatawan.
Mahalagang basahin ang label ng lahat ng binibiling pagkain lalo na ang mga ready-to-eat, easy-to-cook at mga processed food.
Artificial Sweeteners
Aspartame na mas kilala bilang Nutrasweet at Equal ay sinasabing ginagamit sa mga food labels na “diet” at “sugar free. Sinasabing ang aspartame ay isang carcinogenic at neurotoxin. Kabilang sa sinasabing masamang epekto nito ay ang pagkabawas ng talino ng isang tao at nagreresulta sa pagiging makalilimutin. Ang components ng toxic sweeter na ito ay maaa-ring magdulot sa iba’t-ibang sakit, kagaya ng brain tumor, lymphoma, diabetes, multiple sclerosis, Parkinson’s, Alzheimer’s, fibromyalgia, at chronic fatigue, emotional disorders kagaya ng depression at anxiety attacks, dizziness, headaches, nausea, mental confusion, migraines at seizures.
Samantala, ang Acesulfame-K, isang bagong artificial sweetener na matatagpuan sa baking goods, gum at gelatin, ay sinasabing nagreresulta sa tumor sa kidney.
Kabilang sa mga produktong ginagamitan ng mga artificial sweeteners ay ang diet o sugar free soda, jello, gelatin, dessert, sugar free gum, drink mixes, baking goods, cereal, breathmints, iced tea, chewable vitamins at toothpaste.
High Fructose Corn Syrup
Ang high fructose corn syrup (HFCS) ay isang highly-refined artificial sweetener na siyang sinasabing numero unong pinagkukunan ng calories sa US. Ito ay mahahanap sa halos lahat ng mga processed food. Ang HFCS ay nagpapataas ng LDL o bad cholesterol level at nagiging dahilan ng pagkakaroon ng diabetes at tissue damage.
Ito ay ginagamit sa processed foods, breads, candy, flavored yogurts, salad dressings, canned vegetables at cereals.
Monosodium Glutamate/Vetsin
Ang MSG ay isang amino acid na ginagamit bilang flavor enhancer sa mga soups, salad dressings, chips, frozen entrees at maraming pagkain sa mga restaurants. Ang MSG ay kilala bilang excitotoxin, isang substance na nagiging dahilan para ma-overexcite ang mga cells na maaaring magdulot ng pinsala o maging ng kamatayan.
Batay sa pag-aaral, ang regular na paggamit ng MSG ay magresulta sa mga side effects kagaya ng depression, disorientation, eye damage, fatigue, headaches at obesity.
Ginagamit ang MSG sa mga Chinese food, snacks, chips, cookies, seasonings, soup products, frozen dinners at lunch meats.
Trans Fat
Ang transfat ay ginagamit para mapatagal ang shelf life ng mga pagkain. Ito ay sinasabing pinakamapanganib na substance na kasama sa pagkaing kinakain ng tao. Kabilang sa mga mayaman sa trans fat ay mga deep-fried fast foods at ilang processed foods na may margarine o partially hydrogenated vegetable oils. Nabubuo ang trans fats sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na hydrogenation. Batay sa mga pag-aaral pinapataas ng trans fat ang mga LDL o bad cholesterol levels at pinapababa naman nito ang HDL o good cholesterol. Maaari rin itong magresulta sa heart attacks, heart disease at strokes at nakakapagpalala ng pamamaga, diabetes at ng iba pang problema sa kalusugan.
Kabilang sa mga pagkaing sinasabing may trans fat ay ang margarine, chips at crackers, baked goods at fast foods.
Food color
Ang common food dyes o artificial food color na ginagamit sa mga soda, fruit juices at salad dressings ay maaaaring magresulta sa behavioral problems sa mga bata at maaaring magdulot ng pagbaba ng kanilang IQ. Base sa mga pag-aaral sa mga hayop, maaari magdulot ng cancer ang paggamit ng food coloring.
Sodium Sulfite
Ang sodium sulfite ay ginagamit bilang preservative sa paggawa ng wine at iba pang processed food. Ang mga taong sensitibo sa sulfite ay maaaring makaranas ng pananakit ng ulo, problema sa paghinga at mga rashes. Sa mga grabeng kaso, maaaring maging sanhi ang sulfites sa pagkamatay ng isang tao dahil sinasarahan nito ang airway, na maaaring mauwi sa cardiac arrest. Kasama sa mga ginagamitan ng solfite ay ang mga wine at mga dried fruit.
Sodium Nitrate/Salitre
Ang sodium nitrate o sodium nitrite ay ginagamit bilang preservative, coloring at flavoring sa bacon, ham, hot dogs, luncheon meats, corned beef at iba pang processed meats.
Sinasabing carcinogenic ang sodium nitrate kapag ito ay pumasok na sa digestive system ng tao. Nag-reresulta ito ng pamumuo ng iba’t-ibang klase ng nitrosamine compounds na humahalo sa bloodstream at maaaring magdulot ng panganib sa mga internal organs ng tao kagaya ng liver at pancreas.
Potassium Bromate
Ang potassium bromate ay ginagamit na additive para pampaalsa ng white flour, breads at rolls.
Napatunayang nagiging sanhi ang potassium bromate ng cancer sa mga hayop. Sinasabing maging konting potassium bromate sa tinapay ay delikado sa mga tao.

The post Sangkap sa pagkain nakamamatay! appeared first on Bandera.

Ulam na pampagana

$
0
0

recipe
Ulam na pampagana
Hindi kailangan na may okasyon para maghanda ng espesyal na ulam sa pamilya. Ang pagsasama-sama sa hapag-kainan ay okasyon na ngang maituturing.
Narito ang tatlong resipe na pwede mong ihanda ngayong tanghalian: masustansya at masarap, kahit mga bata ay tiyak na gaganahan.

Pritong Itlog na may
Burong Mustasa
Sangkap
4 na dahon ng burong mustasa, hiniwa sa isang pulgadang haba
1 kutsaritang mantika
2 kamatis, hiniwa nang pahaba at tanggalin ang buto
1 maliit na sibuyas, hiniwa nang pahaba
3 ngipin ng bawang, pinitpit at tinadtad nang pino
3 itlog ng manok, binati
Asin at paminta, ayon sa panlasa
Paraan
Hiwain sa isang pulgadang haba ang burong mustasa at pigain ito nang bahagya upang maalis ang labis na likido.
Maglagay ng mantika sa kawali at painitin ito sa katamtamang apoy.
Sabay-sabay na igisa ang kamatis, sibuyas at bawang sa loob ng 1-2 minuto. Ihalo ang burong mustasa at pa-tuloy na haluin. Lutuin ito ng isa pang minuto.
Idagdag ang binating itlog at halu-haluin hanggang ito ay mabuo.
Timplahan ng asin at paminta, ayon sa panlasa.
Ang hugis nito ay hindi kailangang perpektong bilog. Mahahalintulad ang lutuing ito sa scrambled eggs. Hindi bale kung hindi buo at basag-basag at hindi magkakadikit o buo ang itlog.

Tortang Talaba
Sangkap
4 na itlog
1 tasang talaba (talop na)
1 tasang dinikdik na biscocho
1 sibuyas, tinadtad nang pino
1 maliit na bungkos ng dahon ng sibuyas na mura, hiniwa nang pino
1 maliit na bungkos ng kinchay, tinadtad
Mantika
Asin at paminta ayon sa panlasa
Paraan
Paghiwalayin ang puti at pula ng itlog. Batihin ang puti ng itlog hanggang sa ito ay bumula at mag-malatubig. Batihin ang pula ng itlog nang mabuti. Paghaluin ang mga binating itlog.
Idampi ang mga talaba sa biscocho. Siguraduhing nababalot ito. Isawsaw sa binating itlog at ibalik muli sa biscocho.
Ihalo ang lahat ng sangkap at gamit ang maliit na sandok, sumalok ng may lahok na tatlong talaba at saka prituhin sa katamtamang init na mantika.
Kapag golden brown na ang kulay, baligtarin ito at patuloy itong lutuin.
Hanguin mula sa kawali at ilagay sa ibabaw ng kitchen paper upang masipsip ang labis na mantika.
Espesyal na
Ginisang Munggo
Sangkap
1-1/2 tasa munggo o nalatong
1 kutsarang bawang, pinitpit
1/4 kilong liempo, hiniwa ng maninipis
2 tasa dahon ng ampalaya, siniksik
1 kamatis, tinadtad
1 sibuyas, tinadtad
2 kutsarita ng patis
4 na tasa ng tubig
1 beef cube
1/2 tasa chicharon
2 tinapang galunggong, hinimay
1/4 kutsarita pamintang durog
Paraan
Ibabad ang munggo sa tatlong tasang tubig nsng 30 minuto.
Ilipat sa isang kasirola, pakuluan nang 30-45 minuto, hanggang lumambot.
Sa isang hiwalay na kawali, maglagay ng isang tasa ng tubig at pakuluan ang liempo.
Kapag natuyo na ang tubig nito, maglagay ng 2-3 kutsara ng mantika at prituhing mabuti.
Kapag medyo malutong na ang liempo, hanguin ito at ilagay sa isang tabi.
Sa kaparehong kawali, maggisa ng bawang, sibuyas, at kamatis.
Isahog ang beef cube, at timplahan ng patis at isama muli ang nilutong liempo.
Isama ang munggo, at muling pakuluan.
Kapag kumulo na ito, hinaan ang apoy at halu-haluin nang bahagya. Pabayaang lutuin pa ito nang 15 minuto.
Idagdag ang dahon ng ampalaya at chicharon.
Timplahan ng paminta

The post Ulam na pampagana appeared first on Bandera.

Adobong Pula

$
0
0

Adobo

Adobo


Adobong Pula

Bawat tahanan sa Pilipinas ay may kanya-kanyang bersyon ng adobo. At tiyak, bawat isa ang pinakamasarap para sa kanya ay ang kinagisnang adobo.
Nakatikim ka na ba ng adobong pula? Kung hindi pa ay bakit hindi subukin ang handog naming resipe ngayong linggo.

Sangkap
½ tasa, mantikang pula (gawa sa atsuete)
1 kilong baboy (liempo at spare ribs)
1 kilong manok na hiniwa (adobo cut), kasama ang atay at balunbalunan
2 ulo ng bawang, pinitpit, binalatan at dinikdik
1 1/2 tasang toyo
2 1/2 tasang suka
2 kutsarang pamintang buo, bahagyang dinurog
6 na dahon ng laurel
1 kutsarang pamintang buo
Patis at paminta na panimpla

Paggawa
Ang sikreto ng masarap na adobo ay ang pagbabad nito sa suka at toyo at bago pa lamang lutuin ito.

Gumawa ng mantikang pula. Mag-init ng isang tasang mantika. Kapag mainit na ito, maglagay ng dalawang kutsara ng atswete. Hinaan nang bahagya ang apoy at halu-haluin ang atsuete at huwag pabayaang masunog ito. Kapag mapula na ang mantika, hanguin ang atsuete at itapon ito. Maaaring itago ang mantikang pula ng 24-na oras dahil madali itong maging maanta.

Sa isang malaking lalagyan, paghaluin ang suka, toyo at isang ulo ng bawang na pinitpit, binalatan at dinikdik. Ilagay ang pira-pirasong karne ng baboy at manok at halu-haluin ito at siguraduhin ang bawat piraso ng karne ay nahilamusan ng pinaghalong suka at toyo. Takpan at ibabad ito nang tatlong oras.

Matapos ang tatlong oras, alisin ang manok at baboy sa pinagbabaran, paghiwalayin ang baboy sa manok at ilipat sa malinis na lalagyan. Ilagay sa isang tabi ang pinagbababaran at huwag itong itapon.

Sa isang malaking kaldero, mag-init ng ¼ na tasa ng pulang mantika at igisa ng natirang ulo ng bawang.
Kapag nangangamoy na ito, sangkutsahin muna ang baboy hanggang magsilabasan ang mantika nito.

Alisin ang baboy sa kaldero at isunod ang manok. Sangkutsahin din itong mabuti. Ibalik ang baboy sa kaldero at ibuhos ang pinagbabarang suka at toyo, kasama ang dahon ng laurel at pamintang buo. Takpan ang kaldero at laksan ang apoy hanggang ito ay kumulo.

Kapag nagsimula na itong kumulo, hinaan ang apoy at pabayaan itong pasubuhin nang 45 minuto sa mahinang apoy.
vvv

Ang adobo, habang tumatagal ay lalong sumasarap. Minsan, inilalagay muna ito sa refri-gerator nang isang araw bago ito muling initin at kainin.
Kapag may naiwang adobo, maaaring himayin ang mga hibla ng manok at baboy at tustahin ito sa naiwang salsa at mantika. Patuyuin ang salsa nito upang maging malutong ito. Maaari itong ipinapalaman sa mainit na pan de sal.

The post Adobong Pula appeared first on Bandera.

Huwag matulog sa pansitan

$
0
0

pancit molopancit bam-i
Dalawang klase ng pansit ang handog namin sa inyo ngayong araw.

Pero hindi ito mga ordinaryong pansit.
Ang una ay pansit pero walang noodles, ang pansit molo.
Ang ikalawa ay mula sa Bisaya, ang bsm-i.
Hindi man pamilyar ang dalawang putaheng ito, kapwa naman masarap at nakakabusog.

PANCIT MOLO
Sangkap
1 pakete ng molo o balot ng siomai o wonton
1/4 kilo ng giniling na baka
1/4 kilo ng hipon, hiniwa
100 gramo ng giniling na baboy
100 gramo ng sweet ham
1 maliit na singkamas, tinadtad
1 carrot, tinadtad
1/2 kutsarita ng pa-mintang durog
1 kutsarita ng asin
1 itlog
6 tasa ng sabaw ng manok
2 kutsaritang mantika
3 butil ng bawang, dinurog
1 sibuyas, tinadtad
Sibuyas tagalog, hiniwa
Pinalutong na bawang
Paggawa
Paghaluin ang mga sangkap para sa palaman ng molo.
Kumuha ng isang piraso ng wrapper at lagyan ng konting palapan ang gitna. Tupiin.
Ulitin ang proseso. Itabi.
Sa kasirola, igisa ang bawang at sibuyas. Idagdag ang ham, giniling na baboy at hipon.
Lutuin nang ilang minuto.
Ibuhos ang sabaw. Kapag kumulo, ilagay ang mga binalot na molo.
Asinan ayon sa panlasa.
Hinaan ang apoy at lutuin pa ng ilang minuto.
Bago ihanda, budburan ng sibuyas tagalog at pinalutong na bawang.

BAM-I
Sangkap
1/2 kilo ng manok, hiniwa
1/2 tasang tengang daga
1 pakete ng sotanghon noodles, ibinabad sa tubig
2 kutsara ng mantika
3 butil ng bawang, di-nurog
1 sibuyas, hiniwa
Patis
Asin
Paminta
1 pakete ng pancit canton
1 hard-boiled na itlog
Paggawa
Pakuluan ang manok hanggang lumambot. Himayin at itabi.
Itabi ang pinagpakuluan.
Ibabad sa mainit na tubig ang tengang daga hanggang lumambot. Itabi.
Igisa ang bawang at sibuyas. Idagdag ang te-ngang daga, sabaw ng manok at mga panlasa. Pakuluin.
Ilagay ang pancit canton saka idagdag ang sotanghon at manok. Lutuin sa loob ng walong minuto.
Bago ihanda, lagyan ng hiniwang itlog ang ibabaw.

The post Huwag matulog sa pansitan appeared first on Bandera.

Ilang tips sa pangungusina

$
0
0

kitchen tip
Upang maging maayos at madali ang paggamit ng mga pampalasa sa inyong pagluluto, dapat tandaan ang ilang mga bagay na praktikal gawin.

Una, pagsama-samahin ang inyong mga spices o rekados na ginagamit sa iisang lugar. Siguraduhing tuyo at hindi pinapasok ng moist ang lugar upang hindi mamasa o magbuo ang mga ito kapag hindi ginagamit.

I-boteng may takip ang mga nabuksan ng rekados tulad ng paminta, paprika, rosemary, etc. O mas maigeng bumili na ng naka-bote sa mga groceries para sa matagalang gamit.

Ihiwalay rin ang mga pampalasang basa sa mga tuyo. Ang toyo, suka, patis, oyster sauce at barbeque sauce ay dapat hindi kasama ng mga betsin, paminta, atbp.

Ang iba pang pampalasa tulad ng sibuyas at bawang ay hindi dapat ilagay sa madilim at moist na lugar para hindi agad mabulok. Ilagay ito sa lugar na nahahanginan at madaling kunin sa oras na ng pagluluto. Kapag sa mga kamatis naman ay may nakitang nabubulok, agad itong ihiwalay upang hindi mahawa ang iba pang kasama nito.

Mas makakabuti ring bumili ng iodized salt kesa sa pangkaraniwang rock salt upang may makuhang sustansiya mula rito at pampalasa pa ng pagkain. Ilagay ito sa mga de-boteng garapon na may malaking bibig upang madaling makuha. Huwag itong ilalagay sa lata dahil madali itong kakalawangin at mahahawa ang inyong asin.

Matagal ring maaaring i-store ang bagoong. Ngunit kapag masyado nang matagal, tingnan muna ito ng mabuti at baka may algae na ang takip at ang mismong bagoong. Huwag na itong gamitin at palitan na.

Kapag ginamit na sa pagluluto, huwag maglagay ng sobrang rekados o pampalalasa. Bahagyang pumapait ang lutuin kapag nasobrahan ng lagay ng dahon ng laurel. Naglalasang gamot naman at nag-iiba ang amoy ng pagkain kapag ginagamitan ng masyadong maraming atsuwete.

Ayusing mabuti at siguraduhing malapit sa pinaglulutuan ang inyong mga rekados. Ilagay din sa harap ang mas madalas gamiting mg pampalsa upang mas maging madali ang pag-abot nito lalo na sa madaliang pagluluto

The post Ilang tips sa pangungusina appeared first on Bandera.

Valdez, Reyes magkakampi sa “Clash of Heroes”

$
0
0

MAGSASANIB sa unang pagkakataon ang kulay asul at berde sa pagsasama ng magkaribal sa kolehiyo na sina Mika Reyes at Alyssa Valdez para sa kulay ng Pilipinas sa pagtatangkang masungkit ang pinag-aagawang silya para sa pambansang koponan sa paglaro sa Clash of Heroes sa Lunes, Mayo 15, sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Si Valdez, na mula sa Ateneo de Manila University, ay makikipagtulungan sa dating De La Salle University player na si Reyes sa pagbitbit sa Pilipinas-Blue squad kontra sa puno ng beterano na Pilipinas-Red team sa fund-raising project na inorganisa PSC-POC Media Group sa tulong ng Larong Volleyball Sa Pilipinas, Inc. para sa benepisyo ng national volleyball team sa foreign training at exposure sa paghahanda sa paglahok sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Kabilang din sa Pilipinas-Blue team sa laro na suportado ng Philippine Sports Commission katulong ang UCPB Gen bilang official insurance provider at TV5 na official broadcast partner sina Kim Fajardo, Kim Dy at Dawn Macandili, na mga tinanghal na bayani para sa back-to-back UAAP women’s volleyball champion La Salle.

Makakasama nila sina Jovelyn Gonzaga ng Cignal, Kat Tolentino ng Ateneo, Elaine Kasilag ng Pocari Sweat, Bea General ng Generika-Ayala, Frances Molina at Ria Meneses ng Petron, Lourdes Clemente ng Sta. Lucia at CJ Rosario ng Foton.

Ang assistant coach ng Foton na si Brian Esquibel ang siyang gigiya sa koponan kasama sina Ronald Dulay ng Foton at Ian Fernandez ng Petron bilang deputy coaches.

Maliban sa inaasahang matinding pagtatambal nina Valdez at Reyes, na ilang beses nagsagupa sa dramatikong serye sa titulo ng UAAP women’s volleyball ay magkakasama rin bilang kanilang “reunion” sina Valdez at Fajardo, na childhood buddies mula Batangas bago kapwa nakilala ang husay bilang dalawa sa best volleyball players sa bansa.

Ipinaliwanag agad ni national team head coach Francis Vicente na hindi intensiyonal ang pagkakasama-sama ng mga nasabing manlalaro.

“It’s the outcome of long nights of deliberation among members of the national coaching staff,” sabi ni Vicente, na siyang nagturo kay Valdez at Fajardo habang naglalaro pa sa high school sa UST.

“Alyssa and Kim are both candidates for team captain. I want to see how they will lead the team composed of players with different backgrounds. I would carefully take note how they will provide the spark and chemistry on the floor,” sabi ni Vicente.
Gayunman, ang koponan nina Valdez, Fajardo at Reyes ay nahaharap sa matinding labanan.

Ito ay dahil si Rachel Anne Daquis ng Cignal, na hindi maitatatwa na mukha ng bansa sa volleyball sa internasyonal na arena, ang siyang mamumuno sa Pilipinas-Red squad kasama ang kapwa beterano na si Aiza Maizo-Pontillas ng Petron at Aby Maraño ng F2 Logistics.

Kabilang din sa koponan si Denden Lazaro ng Cocolife, Kat Arado ng Generika-Ayala, Myla Pablo ng Pocari Sweat, Gretchel Soltones ng BaliPure, Jaja Santiago ng Foton, Gen Casugod ng Generika-Ayala, Maika Ortiz ng Foton, Maddie Madayag ng Ateneo, Rhea Dimaculangan ng  Petron at  Roselle Baliton ng UE.

Ang nagpapagaling sa injury na Foton star na si Dindin Manabat ay kabilang din sa bumubuo sa Pilipinas-Red.

Si Nene Chavez ng Generika-Ayala, na siyang team captain ng koponan na nagwagi sa huling medalya ng bansa sa Southeast Asian Games noong 1993 ang siyang hahawak sa koponan kasama sina Kungfu Reyes na coach ng UST at Benson Bocboc of La Salle.

“Rachel, Aiza, Aby and Jaja are overflowing with international experience. I want to see how they will prove their worth and translate that experience into a victory against younger players like Alyssa, Kim and Mika,” sabi ni Vicente.

“This would serve as the basis in forming the 18-woman roster. So I want to see them fight for their respective slots.”
Ang laban ay ipapalabas ng live sa TV5 simula alas-7 ng gabi.

Ang mga ticket ay patuloy na mabibili sa PSC-POC media center sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex. Maaari ring tumawag sa (02) 536-4722.

The post Valdez, Reyes magkakampi sa “Clash of Heroes” appeared first on Bandera.


Viewing all 28 articles
Browse latest View live